Kalapastangan sa esensya ng 1986 EDSA People Power Revolution ang pagbura sa katotohanan at patuloy na pag-iral ng mga naghahari-harian at animo’y nakahihigit sa batas.
Ibinasura kamakailan ng kamara ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na inihain ni Andre de Jesus at ng Makabayan bloc sa botong 284-8-4, sa rasong “insufficiency of substance.”
Pinagtibay pa ng House Committee on Justice na hindi na dapat pahabain ang usapin bilang “political theater,” ngunit hindi uri ng ‘drama’ ang paggiit sa karapatan ng mga Pilipino at ang pangangangalampag sa mga pinunong umaastang hari sa isang bansang demokratiko.
Dagdag pa, muling idineklara ni Marcos Jr. ang Pebrero 25 bilang ‘Special Working Holiday.’ Ayon sa Proclamation No. 1006, regular na magpapatuloy ang operasyon ng mga tanggapan at paaralan sa araw na inaalala ang kakayahan ng masang panagutin ang mga nakaluklok sa itaas.
Taliwas sa diwa ng makasaysayang rebolusyon, lumilitaw ang iba’t ibang pasismong taktika ng mga politiko upang mapanatili sa kapangyarihan tulad ng paghuhugas-kamay sa mga isyung kinasasadlakan ng bansa; kawalan ng pananagutan sa kaliwa’t kanang korapsyon; pagrebisa ng kasaysayan, at estratehikong pagtakas sa mga impeachment complaint sa kanila.
Malinaw na indikasyon ito ng pang-aabuso sa posisyon, pagpapatahimik sa oposisyon, at pagpapakita sa taumbayan na walang puwang sa pamahalaan ang kritisismo o panawagang panagutin ang mga may ‘kapangyarihan.’<\p>
Sa ganitong konteksto, nananatiling mahalaga at napapanahon ang taunang paggunita sa kasaysayan ng EDSA revolution bilang simbolo ng kolektibong pagtindig laban sa pang-aabuso, pagsusulong ng pananagutan, at pagpapanumbalik ng demokratikong karapatan ng mamamayan.
Sa harap ng patuloy na pangingilag sa pananagutan, naninindigan ang The Kingfisher, opisyal na pang-estudyanteng pampahayagan ng Southern Luzon State University (SLSU) – Main Campus, sa kahalagahan ng Pebrero 25 bilang araw ng pag-alala sa mga aral ng nakaraang pag-aalsa upang maging lakas laban sa kasalukuyang pamamahala.
Hinihimok ng publikasyon ang buong komunidad ng SLSU at probinsya ng Quezon, na kilalanin ang pagdiriwang bilang sandigan ng kritikal na pag-iisip at patuloy na pagsasabuhay sa kahulugan ng demokrasya sa gobyernong pinaghaharian ng iilan. Pananagutan ang panawagan ng taumbayan para sa mga sangkot sa mga nagpapahirap sa bansa at tiyaking hindi na mauulit ang tinuldukang diktadurya dahil nasa kamay ng mamamayan ang tunay na kapangyarihan. Apat na dekada makalipas ang makasaysayang rebolusyon, patuloy pa ring sasariwain ang diwa ng pagkamulat na nagpalugmok sa naghaharing-uri. Walang sinuman ang makapagdidikta sa mga mamamayang matagal nang inaalipin at inaabuso.Hindi opsiyon para sa sambayanang Pilipino ang makalimot hangga’t hindi abot-kamay ang pagpapanagot sa lahat ng sumira sa kanilang tiwala; mangailangan man ng isa pang rebolusyon.
#EDSA40 #NeverAgain #NeverForget #TheKingfisherSLSU
Iver
EDSA!