Nananatiling malaking usapin ang pagkakaroon ng kalayaan sa ekspresyon para sa mga mag-aaral na transgender na naghahangad ng tunay na pagtanggap sa loob ng institusyon, sa gitna ng patuloy na pag-iral ng karahasan sa pinakamalilit at hindi inaasahang paraan.
Bagaman mayroong Republic Act (R.A.) 11313 o Safe Spaces Act bilang proteksyon laban sa pangkasariang karahasan, tila walang bisa ang implementasyon nito sa mga miyembro ng LGBTQIA+ na prayoridad nitong protektahan.
‘Di maikakailang aktibong tagapagtaguyod ang Southern Luzon State University (SLSU) ng pagkakapantay-pantay ng kasarian pagdating sa pagpapatibay ng gender-sensitive education at oportunidad sa mga scholarship, leadership roles, at extracurricular programs, anuman ang ‘gender identity o gender expression.’
Subalit habang pinapaigting ang inklusibo at ligtas na komunidad sa loob ng SLSU, humaharap na agad sa isang malaking balakid ang mga transgender, non-binary, at gender-nonconforming na mag-aaral bago pa man makapasok sa tarangkahan ng unibersidad.
Madalas na laman ng Facebook page ng SLSU Freedom Wall V2 ang siphayo ng ilang mag-aaral bunsod ng hinaing sa kwestyonableng panghaharang ng seguridad tulad ng kailangan pang patunayan na sila ay parte ng LGBTQIA+ community.
Base sa mga paskil, talamak ang paninita ng guwardya ukol sa pagsusuot ng hikaw, kasunod na rin ang pagtatanong kung miyembro ba ang mga estudyante ng komunidad ng LGBT, sa kabila ng kawalan ng alituntunin na nagbabawal ng pagsuot ng hikaw, at lalong wala rin namang naglilimita sa pagsusuot ng alahas para sa isang kasarian lamang.
Kaugnay nito, ipinagtataka rin ng mga estudyante kung bakit kailangan pang maging miyembro ng opisyal na samahan ng LGBTQIA+ sa unibersidad upang mapatunayan ang kasarian, matapos umanong hingin ng guwardya ang pangalan ng presidente ng organisasyon.
Indikasyon ito na marupok pa rin ang implementasyon ng mga batas pangkasarian kung kaya't nananatiling hindi ligtas ang espasyo para sa mga transgender at gender-nonconforming na mag-aaral; at tila basehan ng diskriminasyon ay bigat, hindi ang pagkabalido nito sa anumang sukat o paraan.
Sa pagpapatuloy ng mga ‘microaggressions’ na tulad nito, maraming miyembro pa ng LGBTQIA+ ang maaaring makararanas ng diskriminasyon at mananatiling tahimik dahil sa pangambang hindi sila tunay na mapoprotektahan ng pamantasan kahit pa may mga umiiral na polisiya.
Patunay itong magiging epektibo lamang ang mga inklusibong polisiya at programa kung tunay nitong pinangangalagaan ang malayang pagpapahayag ng sarili at winawaksi kahit ang pinakasimpleng mga pagkakataon ng diskriminasyon.
// panulat ni Rainne Kirby Thimoteo Obien
// paglalapat ni A
#KFStandstoEndVAW
No comments yet. Be the first to comment!